Monday, March 16, 2026

Tax at business records ni VP Sara at mister nito, planong ipa-subpoena ng House Justice Committee

Posibleng ipa-subpoena ng House Committee on Justice ang Income Tax Returns (ITR) at business records ni Vice President Sara Duterte at mister na si Manases Carpio.

Sinabi ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon kaugnay sa gagawing pagdinig ng komite para tukuying kung may probable cause ang dalawang verified impeachment complaint laban kay VP Sara.

Binanggit ni Ridon na kabilang sa mga dokumento na hihilingin nilang ipa-subpoena ng komite ang ITR ni VP Sara pati sa kanyang mister, bank returns, at Securities and Exchange Commission (SEC) registration ng lahat ng kanilang negosyo na nakalista sa Statement of Assests, Liabilities and Networth (SALN) niya noong 2023 at 2024.

Ayon kay Ridon, kailangan ang nabanggit na mga dokumento para maipaliwanag ang nasa ₱50-million gap sa kabuuang sweldo ni VP Sara sa kanyang idineklarang yaman sa SALN.

Tinukoy ni Ridon na nasa mahigit P7.2 million ang deklaradong net worth ni VP Sara sa kanyang SALN noong 2007 na nakakapagtakang lomobo sa P88 million noong 2024.

Facebook Comments