
Irerekomenda ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian na taasan ang ipinapataw na buwis sa electronic cigarettes at licit o legal na sigarilyo sa bansa.
Sa pagdinig ng Senado, nakita ang patuloy na pagtaas ng mga smoker na bumalik sa paggamit ng traditional cigarettes at e-cigarettes.
Batay sa datos mula sa 2023 survey ng DOST-FNRI, sa 9.5 million na smokers noong 2023, mahigit 7.5 million dito ay naninigarilyo ng traditional cigarettes kung saan 6.4 million dito ay legal na manufactured cigarettes habang ang higit 1.1 milion dito ay naninigarilyo ng manufactured illicit cigarettes.
Samantala, nasa 1.5 million naman ang smokers ang gumagamit ng electronic cigarettes kung saan napuna ang pagtaas nito mula sa 28,270 lamang noong 2021.
Lumalabas aniya na hindi sapat ang ipinapataw na tax ng pamahalaan para mapababa ang consumption ng mga smoker sa traditional at e-cigarettes.
Imumungkahi ni Gatchalian na taasan ang buwis sa e-cigarettes at gawin itong unitary para madali para sa BIR ang koleksyon.
Pag-aaralan din kung ang ipinapataw na kasalukuyang tax rates sa manufactured cigarettes ay sapat ba para mapababa ang konsumo ng mga naninigarilyo at ang paglalatag ng polisiya para matugunan ang illicit cigarettes.