Temporary suspension ng Bahrain sa pagkuha ng household service workers, inalis na

Inanunsyo ng Kingdom of Bahrain ang muling pagtanggap nito ng mga domestic workers sa kanilang bansa.

Ayon sa Deparment of Labor and Employment o DOLE, inalis na ng Labor Market Regulatory Authority ng Kingdom of Bahrain ang temporary suspension sa recruitment ng mga household service workers na ipinatupad nito noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic.

Ginawa ang anunsyo isang buwan matapos ang renewal ng pag-iisyu ng work permits sa mga expatriate skilled workers noong August 9.


Ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Bahrain, mas hinahanap pa rin ng mga employer sa Bahrain ang Filipino workers.

Kinumpirma naman ng POLO na nagbabala ang Labor Market Regulatory Authority ng Bahrain sa mga employer ng mga migrant domestic workers na iwasan ang pakikipagtransaksyon sa mga hindi lisensiyadong expatriate employees employment offices sa pagkuha ng domestic workers.

Layon nito na matiyak na hindi kakalat ang COVID-19 at para na rin sa proteksyon ng mga manggagawa.

Una nang nahuli ang 61 manpower agencies sa serye ng mga raid ng Labor Market Regulatory Authority at Interior Ministry sa Bahrain dahil sa pag-ooperate nang walang lisensiya bukod sa kumukuha ng mga run-away domestic workers.

Batay sa datos ng POLO sa Bahrain, mula January hanggang June 2020, bumaba ng 9% ang bilang ng mga domestic workers sa Bahrain mula sa 18,663 noong 2019 at umabot na lamang ito sa 16,576 nitong Hunyo.

Facebook Comments