Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Treaties and Legal Affairs Igor Bailen na hindi kailangang paaprubahan sa Senado ang pagpapabasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Senator Koko Pimentel ay ipinaliwanag ni Bailen na ang malinaw lang sa Konstitusyon ay ang pagpapa aprub sa 2/3 ng membership ng Senado sa tratado na pinapasok ng Pangulo.
Diin ni Bailen, walang sinasabi na kailangang padaanin at paaprubahan din sa Senado ang desisyon ng pangulo na kumalas sa tratado.
Kaugny nito ay iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat pairalin ang mirror principle na ibig sabihin pareho lang dapat ang parsipasyon ng senado sa pagpasok at paglabas sa mga tratado o kasunduan sa ibang bansa.
Babala ni drilon, mapanganib kapag ang pangulo lamang ang mag-isang magdedesisyon sa pagbasura o pagkalas ng bansa sa mga international agreement at tratado katulad ng VFA.
Katwiran ni Drilon, kapag pangulo lang ang pwedeng magdesisyon ay delikado na tapusin nito bigla ang partisipasyon ng pilipinas sa United Nations, sa Association of Asean Nations (ASEAN), at sa World Trade Organization at pwedeng talikuran din basta basta ang United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) na kumikilala sa abot ng teritoryo ng Pilipinas.