Cauayan City, Isabela- Iginiit ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na terorismo ang kalaban ng gobyerno at hindi mga tao taliwas sa nilalaman ng panukalang ‘Anti-Terror Bill’ na naipasa sa kongreso.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Esperon, maituturing na front organization ang pagkwestiyon ng Makabayan bloc at pagsasabi ng grupo na labag ito sa karapatang pantao.
Aniya, may patunay na kaalyado ng terorista ang mga grupo na kinabibilangan ng Gabriela, Karapatan, Anak-Pawis at Bayan-Muna sa kabila ng ipinagtatanggol lang umano ng mga grupo ang karapatang pantao.
Sinabi pa ni Esperon na ang CPP-NPA na pinamumunuan ni Joma Sison ay nagsasabing PRO-NPA ang ilang namamahala ng Alliance of Concerned Teachers, Mayo-Uno at iba matapos ihayag ni Sison sa isang video conference.
Kinuwestyon din nito na kapag ang mga rebeldeng miyembro ay namatay sa pakikipagbakbakan kasabay naman nito ang pagdaraos ng rally para isigaw ang karahasan laban dito.
Sa ngayon ay hinihintay na lang ang pirma ni Pangulong Duterte para maging ganap na itong batas.