Territorial claims ng China sa WPS, hadlang sa isinusulong na joint oil and gas exploration ng Pilipinas – PBBM

Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “roadblock” o hadlang sa joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea ang mga claim ng China sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa ambush interview sa Quezon City, sinabi ng pangulo na dahil sa pag-aagawan sa lugar ay nagkakaroon tuloy ng debate sa kung kaninong batas ang susundin sakaling magkaroon ng joint exploration sa West Philippine Sea.

Dahil dito, kailangan aniyang maghanap ng gobyerno ng mga hakbang para maisulong ang joint oil exploration.


Aniya, dapat itong ipaglaban ng Pilipinas dahil malaking bagay para sa atin ang joint oil exploration lalo’t kailangan na talaga ito ng bansa.

Matatandaang winakasan ng administrasyong Duterte ang diskusyon sa posibleng joint oil and gas exploration sa China dahil sa mga legal constraints at pag-aalala sa soberanya.

Nitong Agosto, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na handang makipag-usap ang Pilipinas sa China hinggil sa joint oil and gas exploration.

Tiniyak nito na hindi makokompromiso ang sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea sakaling pumasok ito sa energy exploration deal sa China.

Facebook Comments