Manila, Philippines – Nakatakdang isagawa ng Senado ngayong araw ang pagdinig hinggil sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Pangungunahan ng senate committee on foreign relations at national defense and security ang pagdinig na pinamumunuan nina Senadora Loren Legarda at Senador Gringo Honasan.
Ayon kay Legarda, layunin ng pagdinig na makahanap ng paraan kung paano masusuportahan ang mga hakbang ng gobyerno para mabawasan ang tensyon kasabay ng pagtaguyod at pagprotekta sa soberenya at territorial rights ng bansa.
Naniniwala si Legarda na nananatiling may mahalagang papel ang diplomasya sa paghahanap ng pangmatagalan at matibay na solusyon sa pinagtatalunang teritoryo.
Matatandaang patuloy ang pag-angkin ng China sa ilang isla partikular ang pagtayo nito ng anti-ship at surface-to-air missile sa Fiery Cross (Kagitingan) Reef, Subi (Zamora) Reef) at Mischief (Panganiban) Reef, na idineklarang bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.