Testigo sa “Buhawi Case” sa Ilagan City, Isabela, Dinukot ng Akusado!

Cauayan City, Isabela- Mag-iisang linggo nang dinukot ang isang testigo sa pamamaslang kay Rommel De Guzman o alyas “Buhawi” kamakailan sa Brgy. Batonglabang, Ilagan City, Isabela.

Ito ang kinumpirma ni Provincial Director Timoteo Rejano ng NBI Isabela sa RMN Cauayan sa programang Straight to the Point kaninang umaga na maaaring dinukot ang testigo ni newly elected Brgy. Chairman George Mariano ng Batong Labang, Ilagan City.

Batay sa ulat ni Provincial Director Rejano, hindi nito pinayagan ang testigo noong ito ay magpaalam na magpapalaba ng kanyang damit subalit umalis pa rin umano ang testigo hanggang sa nagbago na rin umano ang pagte-text nito na parang tinakot siya ng mga dumukot dito.


Nakita rin umano ng ilang residente ang testigo na nasa Compound ito ni Brgy. Chairman Mariano at nakita rin ng mismong nanay ng testigo na umalis ito kasama si Barangay Kagawad Florante Baysa.

Ayon pa kay Provincial Director Rejano, wala na silang komunikasyon sa testigo maging sa mga pamilya nito subalit tuloy pa rin umano ang kanilang laban hinggil sa kinakaharap na kaso nina Brgy. Chairman George Mariano at Brgy. Kagawad Florante Baysa.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng NBI ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Barangay Chairman George Mariano dahil sa pananakot nito sa testigo at maging sa pamilya nito.

Facebook Comments