TGP PL Rep. Jose “Bong” Teves, nilinaw na wala siyang koneksyon kay Cong. Arnulfo Teves at wala ring kinalaman sa kaso ng pagpatay kay Gov. Degamo

Umaaray at labis na apektado si Talino at Galing ng Pinoy o TGP Party-list Rep. Jose “Bong” Teves Jr., at kanyang pamilya sa mga hinala o akala na sila ay may kaugnayan kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., at sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sa kanyang privilege speech sa sesyon ngayong hapon ay nagpaabot ng pakikiramay si Cong. Bong Teves sa mamamayan ng Negros Oriental kasabay ang mariing kinondena sa pagpaslang kay Gov. Degamo at iba pang biktima.

Kasabay nito ay nilinaw ni Rep. Bong Teves na magka-apelyido lang sila ni Cong. Arnie Teves at hindi magkamag-anak bukod sa magkaiba rin ang kanilang probinsya at lalong hindi sila dapat iugnay sa nangyari kay Gov. Degamo.


Bunsod nito ay umapela si Cong. Bong Teves sa mga mamamahayag sa bansa, sa radyo, TV o print gayundin sa social media, na maging responsable at maging maingat sa pagbabalita lalo na sa mga sensitibong isyu o impormasyon katulad ng pagpatay kay Gov. Degamo.

Hiling ni Cong. Bong Teves sa media, buuin ang pangalan ng “Teves” na nakakaladkad sa naturang kaso upang maiwasan ang kalituhan at huwag isipin na sya o ang kaniyang pamilya ang sangkot sa krimen.

Facebook Comments