TIMBOG | Construction worker na notorious na rapist, huli sa Pasay

Sa kulungan muli ang bagsak ng isang takas na preso na dawit sa 17 kaso ng rape at iba pang mga krimen.

Inaresto ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang 43-anyos na construction worker na si Albert Biol sa Barangay 183, Pasay City.

Ayon kay SPD District Director Senior Superintendent Eliseo Cruz, dati ng nakulong sa Caloocan City Jail ang suspek pero tumakas noong Pebrero.


Aniya, nasa 17 kaso ng rape ang nakasampa laban sa suspek sa Caloocan at Bulacan, bukod pa sa mga kasong robbery with homicide, carnapping at illegal possession of firearms.

Sabi ni Cruz, nahanap si Biol matapos makakuha ng impormasyon ang SPD na sa Pasay siya nagtatago.

Tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na hindi na muli makatatakas ang suspek at pagbabayaran nito ang kaniyang mga kasalanan.

Nakatakda namang ibalik si Biol sa Caloocan para doon harapin ang kaniyang mga kaso.

Facebook Comments