Manila, Philippines – Arestado sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) ang isang lalaki dahil sa umano ay pangingikil at pagtangay sa sasakyan ng kaniyang nobya sa Maynila.
Kinilala ang suspek na si Jackson Kiong na ireklamo ni alyas “Maria.”
Ayon kay Maria, humingi sa kaniya si Kiong ng P8,000 at kinukuha rin nito ang official receipt, certificate of registration at susi ng kaniyang kotse.
Aniya, nakilala niya si Kiong sa isang dating website at sinagot niya ito makalipas lang ang ilang araw.
Bukod sa car loan, ginagamit rin aniya ng suspek ang kaniyang credit card, pinagbabayad ng rin siya ng malalaking order ng pagkain at humingi rin ng housing loan.
Sabi naman ni Joel Tovera, hepe ng (NBI-AOTCD), may iba pang niligawan at naloko si Kiong na gaya ni Maria ay nagtapos din ng pharmaceutical studies.
Pero depensa ng suspek, “misunderstanding” lang ang nangyari at itinanggi rin niya ang pamemera sa mga pharmacist.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery extortion, carnapping at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
Hinimok din ng NBI ang mga dating biktima ng suspek na magsampa ng reklamo.