‘Tindahan na Walang Bayad’ Project ng isang Barangay sa Santiago City, Inilunsad

Cauayan City, Isabela- Inilunsad sa Barangay Mabini sa Santiago City ang ‘TINDAHAN NA WALANG BAYAD’ na layong higit na matulungan ang mga kapus-palad na mga residente ngayong humaharap ang lahat sa banta ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Ito ay rin tugon sa hunger mitigation problem na nararanasan ng karamihan dahil na rin sa kawalan ng trabaho para tugunan naman ang pangangailangan ng isang pamilya.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Kagawad Joseph Cortez, Project Coordinator, bahagi ng ‘WE not ME Project’ ang naturang hakbang para higit na tulungan ang ilang indibidwal na walang kakayahang matulungan ang kanilang sitwasyon sa buhay at ang limitadong galaw dahil sa pandemya.


Paliwanag ni Cortez, ang pangangailangan ang siyang magtutulak sa isang indibidwal na kumuha ng ilang pagkaing tingin nya ay kailangan ng isang pamilya at hindi ang kagustuhan lamang na makakuha nito.

Tinawag nila itong ‘We not Me Project’ dahil isinusulong nito ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng iba at hindi lamang sa sarili.

Hinihimok din ng opisyal ang kanyang mga kabarangay na magbahagi ng maliliit na bagay upang makatulong rin sa iba na maitaguyod ang programa ng tuloy-tuloy.

Bagama’t walang hinihinging kabayaran ang pagkuha ng bagay sa ‘Booth of Generosity’ hinihikayat naman niya na ang mga kukuha ay gumawa rin ng mga gawaing pang-komunidad.

Umaasa ang opisyal na sa simpleng paraan ay maibsan ang nararanasang hirap ng ilan nitong kabarangay at kanya ring binigyang diin na maging bukas-palad ang higit na mga nakakaangat upang makatulong sa simpleng paraan.

Dagdag pa niya, paraan din ito upang tularan ng iba pang mga barangay ang naturang programa na makatulong rin sa kani-kanilang mga residente.

Matatandaang marami ng proyekto ang inilunsad ng grupong ‘Barangay na Responsable at Organisado’ (BRO).

Facebook Comments