Nag-emergency landing ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) nang magliyab sa ere ang engine nito, Huwebes ng madaling araw.
Sa kuhang video ni Jennifer Osteria, makikitang umusok at bumuga ng apoy ang parteng pakpak ng eroplano, ilang minuto matapos mag-take off galing Los Angeles International Airport.
Tinawag ng uploader ang insidente na “pinakanakakatakot na limang oras ng aming buhay.”
Ibinahagi din ng ABC-7 sa Los Angeles ang video ng pag-emergency landing ng PR 113 habang nagliliyab ang kanang makina nito.
Ayon kay Cielo Villaluna, tagapagsalita ng PAL, ligtas ang lahat ng sakay ng nasabing eroplano.
Aniya, nagdesisyon si Captain Tristan Simeon na bumalik sa paliparan para masagip ang buhay ng mga pasahero at cabin crew.
“They are currently being assisted in their rebooking and hotel accommodation,” pahayag ni Villaluna sa panayam ng isang local radio station.
Lulan ng PR 113, na isang Boeing 777, ang 342 pasahero at 18 crew members na patungo sana sa Pilipinas.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nagkaroon ng technical problem ang engine nito.