Aktor, basketball player, at ngayon ay Army reservist na rin si Gerald Anderson.
Nakumpleto ng Kapamilya star ang Soldiers Skills Orientation Training sa Camp Tecson, San Miguel, Bulacan, nito lamang Biyernes.
Ibinahagi ni Anderson sa Instagram ang naging karanasan sa tatlong araw na training, Sabado, ilang araw matapos niyang basagin ang katahimikan hinggil sa hiwalayan nila ng aktres na si Bea Alonzo.
“I have learned so much in just three days. Being the company commander taught me how to lead other people but most important how to lead myself and stay composed despite any situation,” sabi ng aktor sa post.
Isa sa mga naging instructor niya ang kapwa aktor na si Matteo Guidicelli na naging Army reservist nitong Hunyo.
Kasabay ni Anderson sumabak sa training sina Elmo Magalona, Jerome Ponce at Nash Aguas na makakasama niya sa paparating na teleseryeng “A Soldier’s Heart.”