Kumakalat ngayon sa social media ang video ng pahirapan umanong pamimigay ng relief goods para sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano sa Batangas.
Sa viral video, inaanunsyo ng isang babae na dapat pirmado ng kani-kanilang kapitan o konsehal ang form na ipapakita ng mga bakwit para makakuha ng donasyon.
Dagdag pa niya, kailangan orihinal at hindi photocopy ang lagda ng mga opisyal sa nasabing form.
“Kung ang dala niyo po ay walang pirma ng kapitan ay hindi kasali. Kung ang pirma naman ng kapitan ay xerox, hindi rin kasama,” saad ng ginang.
https://youtu.be/UmjCFDPIob8
Nilinaw din na babae na sumusunod lamang sila sa instructions ng kinauukulan.
Halos sabay-sabay naman umalma ang mga apektadong sibilyan sa patakarang isinasagawa sa relief distribution.
Ang isang lalaking hindi nakapagtimpi, agad pinuntahan ang babae at tinanong kung saan ito nagtratrabaho dahil wala raw abiso ang kanilang kapitan.
Sinagot siya ng babae na taga-gobyerno daw sila, dahilan para bumalik ang lalaki sa pila.
Kita din sa video ang mga pulis na nag-assist sa mga taong kumukuha ng donasyon.
Samantala, mariing binatikos ng maraming netizen ang sistema ng relief distribution ng mga nagpakilalang kawani ng pamahalaan.
Orihinal na ipinost ng concerned citizen ang video sa Youtube hanggang sa maibahagi ito sa Facebook page na Raffy Tulfo Supporters at umani ng mahigit limang milyong views.
Wala pang inilalabas na pahayag ang pamahalaang bayan hinggil sa insidente.