Nabawi at nabalik na sa magulang ang sanggol na tinangay ng isang yaya sa Barangay Bambang, Taguig City.
Ito ay matapos dumulog sa programang “Wanted Sa Radyo” ang inirereklamong kasambahay na si Kristine Joy Salik, 34-anyos.
Sa panayam ni Raffy Tulfo, inamin ng suspek na isinama niya sa mall ang sanggol para kumuha ng pera sa isang remittance center.
Ayon kay Salik, wala siyang plano dukutin ang sanggol at natakot bumalik sa bahay nang madiskubreng hinahanap na siya ng kinauukulan.
Labis ang pagsisisi ng yaya sa kasalanang nagawa sa pamilya ng munting anghel.
“Humihingi po talaga ako ng sorry. Hindi ko po intensyon kunin ang anak nila at kahit ako hirap ako buhayin ang mga anak ko,” saad ng salarin.
Naging viral sa social media ang panawagan ni Perrin kaugnay sa nawawala niyang anak na tinangay ng yayang nakilala nila sa Facebook.
(BASAHIN: 5-buwang-sanggol, tinangay ng bagong yaya)
Makikita din sa CCTV footage na iniiwasan ng suspek ang mga nakakasalubong niya sa daan.
Sa kabila ng paghingi ng paumanhin, itutuloy ng inang si Princess Jean Perrin ang pagsasampa ng kasong kidnapping laban kay Salik.