TIPS PARA SA HAPPY MARRIAGE: Humanap ng Partner na tutulong para maging Mabuting Tao ka- Gov. Cua

Cauayan City,Isabela- Ibinahagi ni Quirino Governor Dakila Carlo E. Cua ang kanyang personal na pananaw at tips kung paano mapapanatili ang masayang pagsasama ng mag-asawa.

Ito ay matapos maging panauhin ang opisyal sa 7th episode ng “Usap Tayo sa Family Planning with Doc Jeepy” na may temang “Kagitingan sa Family Planning sa Panahon ng Pandemya”

Ayon kay Cua, ilan umano sa mga sangkap ng ‘happy marriage’ ang humanap ng partner na makakasama habambuhay at tutulong upang higit na maging isang mabuting tao.


Binigyang diin rin ng gobernador ang kahalagahan na gawing sentro ang Diyos sa bawat pagkakataon upang mapanatili naman ang pagkakasundo sa isang relasyon.

Kaugnay nito, pinayuhan rin niya ang mga mag-asawa na laging alalahanin na sila ay laging magkasama sa kabila ng ilang salungat at pagkakaiba sa pananaw at opinyon.

Sa pagpili ng future partner, pinayuhan rin niya mismo ang kanyang mga anak na laging tingnan ang pagkatao ng isang indibidwal kumpara sa yaman o estado sa buhay, katalinuhan, katangiang pisikal o kahit katanyagan.

Sa usapin ng responsible parenthood, inabisuhan rin nito ang tulad niyang magulang na pangalagaan ang tiwala sa mga anak at tiyakin ang palaging komunikasyon upang maiwasan ang ilang maaaring problema.

Pinaalalahanan rin niya ang mga kabataan na makinig sa mga magulang dahil alam nila ang mas makakabuti para sa kanilang mga anak.

Ayon pa sa kanya, ang tatlong bagay na maaaring gustong manahin ng kanilang mga anak ay ang magandang pangalan (isang pangalan na maipagmamalaki nila balang araw), edukasyon (dapat sila ay may kakayahang mag-ambag sa sangkatauhan) at napapanatiling kapaligiran (protektahan ang mundo).

Samantala, saludo naman si Gob. Cua sa sakripisyo ng lahat ng frontliners partikular ang mga health workers, military, police officers at iba pang public servants at volunteers na siyang nagmamando sa mga inilatag na checkpoints ngayong panahon ng pandemya.

Ipinaalala rin ni Cua sa bawat isa na mayroong tamang oras at lugar sa lahat ng bagay.

Facebook Comments