
Nagpaalala ang Korte Suprema sa publiko na suriin munang mabuti kung lehitimo ang kanilang bibilhing lupa para maiwasang mabiktima ng mga manloloko.
Sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, pinagtibay ng SC ang hatol ng Regional Trial Court at Court of Appeals na pinawawalang bisa ang titulo ng lupa ng isang mag-asawa na nabili mula sa isang nameke ng dokumento.
Ayon sa SC, bumili ng lupa ang mag-asawang Orencio at Eloisa Manalese mula kay Carina Pinpin na nakuha umano ang mga duplicate na titulo sa pamamagitan ng pagsusumite ng pekeng affidavit of loss at dinoktor na deed of sale.
Ayon sa SC, tungkulin ng mga buyer na alaming mabuti kung lehitimo ang titulo at i-check ito mismo sa records ng Registry of Deeds.
Hindi anila sapat na magtiwala lamang sa titulo ng lupa lalo na kung may senyales na ng fraud at iregularidad.
Sa nasabing kaso, sinabi ng Mataas na Hukuman na nabigo ang mag-asawa na mag-imbestiga kahit marami nang senyales gaya ng affidavit of loss at pag-iisyu ng panibagong duplicate title.