TOG2, Nakiisa sa Paghuhulog ng Pulyetos sa mga Liblib na Lugar sa Isabela!

Cauayan City, Isabela- Katuwang ng pwersa ng militar ang Tactical Operations Group 2 (TOG2) sa leaflets dropping o paghuhulog ng mga pulyetos sa mga liblib na lugar na may presensya ng New People’s Army (NPA).

Ito ang ibinahagi ni LtCol Augusto Gen Padua, Commanding Officer ng TOG2 sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Nakasulat sa kanilang mga inihuhulog na pulyetos ang mga inilaang programa ng gobyerno sa mga NPA na magbabalik-loob, mga rason kung bakit huwag sumapi sa kanilang kilusan, mga taktika ng makakaliwang grupo sa pagrerecruit, at mga rebelasyon ng mga sumukong NPA.


Layon din nito na maisalba ang mga ordinaryong mamamayan mula sa panghihikayat ng mga teroristang grupo.

Alinsunod pa rin ito sa EO no.70 ng Pangulong Rodrigo Duterte at pagbuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na layong matuldukan ang problema sa insurhensya sa bansa.

Dagdag pa ni LtCol Padua, naka-standby lamang ang mga air assets ng TOG2 para sa pagresponde sa anumang pangangailangan ng militar maging sa mamamayan.

Nanawagan naman ito sa mga natitira pang kasapi ng NPA na isuko na ang mga sarili sa gobyerno maging ang mga hawak na pandigmang armas.

Facebook Comments