TOPNOTCHERS NG PRC EXAM SA NUEVA VIZCAYA, BIBIGYAN NG 200K

Inaprubahan na ang ordinansang nagbibigay ng P200,000 insentibo sa mga Novo Vizcayano na nakakuha ng pinakamataas na pwesto sa eksaminasyon sa ilalim ng Professional Regulatory Commission (PRC) kamakailan.

Ang Topnotcher’s Incentive Ordinance ni BM Elma Pinao-an Lejao na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ay naglalayong mabigyan ng parangal ang mga nagbigay ng dangal para sa probinsiya at magsilbing inspirasyon sa mga kukuha ng eksaminasyon.

Bagamat nitong Setyembre lamang naaprubahan, may probisyon umano itong maipatupad simula taong 2021.

Dahil dito, maaring mabigyan ng insentibo ang topnotcher na si Kharam Baricaua Molbod na residente ng bayan ng Solano, nag-aral sa University of Sto. Tomas na nakakuha ng 91.90 percent na rating sa Medical Technology exam noong August 2022.

Kailangan lamang mag-apply at magsumite ng mga kinakailangang mga dokumento ang mga topnotchers para mavalidate ng screening committee.

May posibilidad din umano na maamyendahan ang ordinansa sa susunod na taon upang maisali ang iba pang klase ng pagsusulit katulad ng Bar o Civil Service exam. Maari ring maikunsidera na mabigyan ang top 2 at iba pang pwesto.

Facebook Comments