Hindi malabong irekomenda ng Senado ang total ban ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ang posibleng imungkahi ng Senate Committee on Ways and Means matapos ang tatlong pagdinig para sa imbestigasyon sa mga mabuting dulot at mga krimeng dulot ng mga POGOs.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng nasabing komite, marami pang nabulgar sa pinakahuling pagdinig tulad ng hindi tamang nakokolektang buwis sa POGO.
Lumitaw aniya na mas malaki ang idinedeklara ng POGO sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) habang mababa sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya mali ang nakokolektang buwis dito.
Hindi rin kumbinsido si Gatchalian sa iprinisintang roadmap ng PAGCOR para tugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga POGO na aniya’y hindi naman naisasakatuparan.
Sa mga susunod na araw o linggo ay inaasahang mailalabas na ng komite ang report sa isinagawang imbestigasyon sa mga POGO.