Cauayan City, Isabela- Hawak na ng mga alagad ng batas ang isang trabahador na wanted sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act matapos na madakip sa Brgy. San Jose, Jones, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Mervin Delos Santos, hepe ng PNP Jones, kinilala nito ang akusado na si Ronaldo Miranda Jr, 27 anyos, walang asawa, residente ng Raxabago St. Brgy 149, Tondo, Manila at nangungupahan sa Brgy San Jose, Jones, Isabela.
Natunton aniya ang akusado sa tulong ng mga residente sa lugar na kung saan ay halos isang (1) taon na itong nanunuluyan sa bayan ng Jones.
Ayon kay PCapt Delos Santos, tinangay umano ng akusado ang menor de edad na kasintahan na lingid sa kaalaman ng mga magulang nito.
Dahil dito, nagsampa ng kaso ang mga magulang ng kasintahan ng akusado hanggang sa nahuli ito sa bayan ng Jones sa bisa ng warrant of arrest.
Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang akusado at nakatakdang ipasakamay sa court of origin.
Pansamantala itong makakalaya kung makakapaglagak ng kanyang piyansang Php200,000.00.