‘Trabaho Negosyo Kabuhayan Fair’ sa Lungsod ng Cauayan, Dinagsa ng mga Kabataan!

*Cauayan City, Isabela-* Nakiisa ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa pagdiriwang ng “Buwan ng Kabataan” bilang bahagi ng International Youth Day upang bigyang prayoridad ang mga kabataan na makiisa sa nasabing aktibidad.

Kasabay ng nasabing selebrasyon, nagsagawa ng Trabaho Negosyo Kabuhayan Fair ang DTI-Isabela, DOLE at TESDA sa FLDY Coliseum ng Lungsod ng Cauayan na dinaluhan ng mahigit 500 katao mula sa iba’t ibang bayan sa Lalawigan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, Provincial Director ng DTI-Isabela, isa sa naging prayoridad kahapon na itinuro sa mga dumalo ay food processing gaya ng longganisa, tocino at iba pa na maaaring pagkaabalahan at gawing kabuhayan.


Ayon naman kay Ms. Joycelyn Tagundando, Cauayan PESO Officer, may kabuuang 75 na aplikante ang ‘Hired on the Spot’ sa nasabing Job Fair na maitatalaga sa iba’t ibang klase ng trabaho.

Nasa 200 bakanteng trabaho naman ang naghihintay sa mga aplikante mula sa 28 na mga entrepreneurs na naghahanap ng bagong empleyado.

Sa kabuuan, payapa namang natapos ang nasabing pagdiriwang sa tulong na rin ng iba’t-ibang ahensya at ng PNP Cauayan.

Facebook Comments