Traffic enforcer ng Maynila na nakunan ng CCTV habang nangongotong, naaresto na

Naaresto na ng Special Reaction Team ng Office of the Mayor at ng Manila Traffic Bureau ang traffic enforcer ng MTPB na nakunan ng CCTV habang nangongotong sa sinita nitong motorista sa Sta. Cruz, Maynila.

Nakilala ang traffic enforcer na si Ricardo Galit na sinasabing dati nang inireklamo dahil din sa pangongotong.

Kanina, iniharap kay Manila Mayor Isko Moreno si Galit na hiyang-hiya at nakatalukbong ng damit sa ulo.


Kinumpiska na ng alkalde ang ID at uniporme ni Galit at sinibak na rin ito sa pwesto bilang enforcer ng MTPB.

Ayon sa alkalde, inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban kay Galit.

Kaninang umaga, nagbanta si Mayor Isko sa mga tauhan ng MTPB na sisibakin silang lahat sa pwesto kung hindi ikakanta ang kasamahan nilang nag-viral sa social media dahil sa pangongotong.

Nakarating kasi sa kaalaman ng Alkalde ang video kung saan makikita ang isang traffic enforcer ng MTPB na tumanggap ng pera mula sa motoristang sinita nito dahil sa walang mga suot na helmet at may angkas pang bata sa harap.

Ayon sa uploader ng video, nangyari ang pangongotong sa kanto ng Fugoso at Rizal Avenue sa Maynila.

Sa video, makikitang nagbibilang pa ng pera ang babaeng angkas ng Motorsiklo at iniabot ito sa traffic enforcer.

Facebook Comments