Sinibak sa puwesto ang isang enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos makuhanan ng video na nangongotong sa sinitang motorista.
Ayon sa Manila Public Information Office (MPIO), kinumpirma ni MTPB Chief Dennis Viaje na tauhan nila ang nasa viral video na nangingikil ng pera.
Pahayag ni Viaje, nakatalaga sa panulukan ng United Nations Avenue at Taft Avenue ang hindi pinangalanang enforcer.
Umani ng mahigit 100,000 views ang Facebook video na ibinahagi ng isang Love Laurena noong Nobyembre 18.
Aminadong nadismaya at nalungkot si Manila Mayor Isko Moreno sa ipinakitang aksyon ng traffic enforcer.
Nabatid ng alkalde na kahit nagsusumikap sila sa pagdidisiplina ng mga kawani ng pamahalaang lungsod, meron pa din naiwang bulok na kamatis.
Gayunman, pinasalamatan ni Moreno ang netizen sa pagpopost ng kuhang video sa social media.
“Malaking tulong po sa pamahalaan ang inyong ginawa subalit napakahirap po ng ating ginagawa para linisin at isaayos ang kapitolyo ng bansa,” ani Yorme Isko.
“Inaamin po namin, hindi po namin kaya ito nang kami-kami lang. Kailangan po namin ang tulong ng bawat isa. Magkaisa po tayo sa ating hangarin na isaayos ang magulo, na ituwid ang baliko, na itama ang mali,” dagdag pa niya.
Kaya paalala ni Moreno sa mga kapwa-Manilenyo, sila lamang mga Batang Maynila ang magmamalasakit sa isa’t-isa.