Trailer Truck, Inararo ang Residential House sa Bayan ng San Isidro

Cauayan City, Isabela- Bumangga ang isang trailer truck sa isang residential house malapit sa mismong checkpoint sa Brgy. Ramos West, San Isidro, Isabela.

Nakilala ang tsuper ng truck na si Ramil Galano, 42 anyos, may-asawa at residente ng Amulung, Cagayan.

Ayon kay PCAPT. Joel Bumanglag, hepe ng San Isidro Police Station, nagmula pa sa Santiago City ang truck nang aksidenteng mabangga nito ang isang bahay na pagmamay-ari ni Bobbykins Paciente na residente sa lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng madulas na daan at mabilis na pagpapatakbo ng drayber ang dahilan ng pagbangga ng sasakyan sa isang bahay kung kaya’t hindi na nito nakontrol ang minamanehong truck.
Sinabi pa ni Bumanglag, iniwasan ng tsuper ng truck na masalpok ang checkpoint na may limang tao na nagmamando kaya iniliko pakanan ang minamanehong sasakyan.


Maswerte namang walang gaanong pinsala sa katawan ang isang pulis na nasugatan matapos magsitakbuhan ang mga ito bago ang pagbangga ng truck.

Sasampahan si Galano ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property.

Facebook Comments