Cauayan City, Isabela- Hindi maitago ng ilang grupo ng mga tsuper ang kanilang hinaing hinggil sa libreng sakay ng Department of Transportation (DOTR).
Ayon sa mga tsuper na nakausap ng iFM news team, hindi naman sila tutol sa libreng sakay ngunit sana ay may mas malinaw na regulasyon ang ahensya at mga nangangasiwa na kumpanya kung paano ang proseso sa pagkuha ng mga pasahero para sa libreng sakay.
Sa ilalim ng programa ng DOTR, pangunahing isinasakay lang dapat ay mga kabilang sa APOR at Frontline Healthcare Worker.
Problema ngayon ng transport group ang kawalan ng malinaw na paliwanag sa mga taong hindi naman kabilang sa APOR na naisasakay rin sa libreng programa ng ahensya.
Para sa ilang tsuper, nakakasama lang ng loob dahil imbes na maisakay ang mga ito sa kanilang regular na pasada ay naisasakay na ito sa mga bus na inilaan ng DOTR.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ginoong Ferdinand Colobong ng Colobong Transit, binabayaran sila ng ahensya kada kilometro at naghahanap sila ng kaukulang ID para matukoy kung ang mga sasakay ay kabilang sa APOR (Authorized Persons Outside Residence).
Giit naman ng mga ibang tsuper, hindi umano nabubusisi kung totoong APOR ang mga naisasakay sa libreng sakay ng pamahalaan.
Kinuwestyon rin ng transport group ang pagparada ng libreng sakay ng DOTR sa terminal ngayong pahirapan ang pagkuha ng pasahero.
Samantala, pahirapan pa rin ang pagpasok ng mga motorista sa lungsod ng Cauayan sa harap ng umiiral na GCQ Bubble Setup.
Ito ay hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19.