TRB, hinikayat ang mga agri-trucker na i-avail ang toll rebates program ng pamahalaan

Hinikayat ng Toll Regulatory Board ang mga trucker na nagbibiyahe ng mga produktong agrikultura na magpa-accredit sa Department of Agriculture (DA) para sa toll rebate sa mga expressway sa Northern at Southern Luzon.

Kasunod na rin ito ng inilunsad na Agri-Trucks Toll Rebate Program ng pamahalaan kung saan nagkakaroon ng diskwento ang mga trucker sa toll fees para masiguro na mababa ang presyo ng mga produktong agrikultura sa merkado.

Sa interview ng RMN Manila kay TRB Spokesperson Julius Corpuz, upang maging kwalipikado sa rebate program, kinakailangan na kumuha sila ng accreditation certificate mula sa agriculture department at mayroong valid na Autosweep at Easytrip na RFID.


Ayon kay Copuz, katuwang ng mga ito ang iba pang requirements tulad ng kopya ng OR/CR ng sasakyan, valid ID, at agri-trucks toll fee increase exemption form.

Epektibo sa June 1, 2024 ang nasabing programa kung saan magkakaroon ng rebates na ₱2 hanggang ₱30 sa mga agri-truck na gagamit ng SMC Tollways, depende layo at sa uri ng sasakyan habang nasa ₱16 hanggang ₱156 naman ang rebates sa mga dadaan sa Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC Expressways.

Nasa 200 hanggang 300 ang mabebenipisyuhan ng programa na tatagal ng tatlong buwan at posibleng mapalawig pa.

Facebook Comments