Nilinaw ng Toll Regulatory Board (TRB) na hindi pa pinal ang panukalang ipagbawal ang mga sasakyang dumaan sa dalawang exit ng Skyway na walang RFID o Radio Frequency Identification.
Ito ay matapos ulanin ng batikos mula sa mga motorista at residenteng nakatira sa Southern Metro Manila.
Una nang lumalabas sa mga ulat na planong gawing eksklusibo lamang sa mga motoristang may RFID ang Doña Soledad (Bicutan) at Dr. A Santos (Sucat) exit.
Sa interview ng RMN Manila kay TRB spokesperson Alberto Suansing – iminungkahi ito ng Skyway Operations and Management Corporation (SOMCO).
Pero pinayuhan nila ang Skyway na magsagawa ng sensitivity analysis para alamin ang impact nito.
Naniniwala si Suansing na masosolusyonan ang congestion sa mga tollway sa pamamagitan ng engineering designing.
Nakikita naman ng TRB ang makatwirang paliwanag ng Skyway na kaya nila isinusulong ang panukala ay para maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa mga toll plaza.
Dahil dito, hinikayat ng TRB ang mga motorista na gumamit na ng electronic toll collection system para sa mabilis na transaksyon.