Nag-iikot sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila si Treatment Czar Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega para makita ang kasalukuyang estado ng mga pagamutan.
Kasunod ito ng abiso ng maraming ospital na malapit na nilang maabot ang kanilang maximum capacity at hindi na kayang tumanggap pa ng COVID-19 patients.
Una rito, naglabas na ng direktiba si Health Secretary Francisco Duque III na maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga ospital sa National Capital Region para mapataas ang kanilang alokasyon ng bed capacity para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ang mga pribadong ospital ay obligadong maglaan ng 30% bed capacity para sa COVID-19 patients habang 50% naman para sa public hospitals.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na kung makaranas ng mild symptoms ng COVID-19 ay magtungo sa isolation facilities sa halip na sa mga ospital.
Ito ay para maipaubaya ang espasyo ng mga ospital sa mas nangangailangan.