Arestado ng pulisya ang isang 63-anyos na lalaki matapos umanong magpaputok ng baril habang may nagaganap na picnic sa Agno River sa Barangay San Patricio, Santa Maria, Pangasinan noong Linggo, Enero 18.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagpi-picnic ang ilang indibidwal sa ilalim ng Narciso Ramos Bridge nang magkaroon ng kaguluhan.
Sa gitna ng komosyon, pinaputok umano ng suspek ang kanyang baril paitaas na ikinaalarma ng mga taong nasa lugar.
Agad na rumesponde ang Santa Maria Municipal Police Station at naabutan ang suspek, isang 63-anyos na tricycle driver at residente ng nasabing bayan, na agad dinala sa himpilan ng pulisya.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .380 pistol, isang magazine, at anim na bala.
Dahil dito, nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 11926 o Indiscriminate Firing, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.








