Cauayan City, Isabela- Nagpakawala ng airstrike ang tropa ng militar laban sa New People’s Army sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.
Ayon kay 5th Infantry Division DPAO Chief Army Major Jekyll Dulawan, matagal-tagal na rin umanong binabantayan ang naturang lugar dahil sa pinaniniwalaan na dito ang pagawaan ng Improvised Explosive Device (IED) ng mga rebeldeng grupo.
Una rito,ngayong umaga ng magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng militar at NPA at makumpirma ang umano’y hideout ng makakaliwang grupo sa naturang bulubunduking lugar.
Tumagal aniya ang sagupaan sa 20 minuto at tinatayang nasa 40 rebeldeng NPA ang nakaengkwentro ng kasundaluhan.
Ayon pa sa tagapagsalita ng 5ID, una na silang humingi ng air support sa Philippine Air Force dahil magubat ang pinagkukutaan ng mga rebelde.
Isang malakas na tunog mula sa isang aircraft ang narinig ng mga mamamayan ng Sta. Ana, Gonzaga at Buguey pasado alas-kuwatro kaninang madaling araw.
Samantala, wala namang naitalang casualties sa hanay ng militar habang posible umanong may sugatan sa panig ng rebeldeng NPA.
Inihayag rin ni Dulawan na ang grupong nakasagupa ng militar ay miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Patuloy pa rin ang isinasagawang clearing operations ng kasundaluhan sa pinangyarihan ng bakbakan.