Tsuper na Sumailalim sa CBRP, Tiklo sa Buy Bust Operation!

*Tumauini, Isabela-* Arestado ang isang tricycle driver matapos mahulog sa ikinasang drug buy bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Lingaling, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang tsuper na suspek na si Edward Fermin Guiyab, 31 anyos, at residente ng brgy. San Pedro, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector George Mallillin, hepe ng PNP Tumauini, Isabela, matagal nang minamanmanan ang suspek dahil sa pagtutulak nito ng droga sa kabila na ito ay sumailalim sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP).


Matagumpay namang naaresto ang suspek sa inilatag na operasyon ng mga otoridad at nakuha mula kay Guiyab ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang ziplock transparent plastic na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana, isang limang daang piso bilang marked money at isang unit ng cellphone.

Nakapiit na ang suspek sa PNP Tumauini at ito ay mahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, patuloy pa rin anya ang kanilang pagmomonitor at pagsasagawa ng drug symposium sa kanilang nasasakupan lalo na sa mga paaralan na maaaring sinusuplayan ng mga supplier.

Facebook Comments