TUCP, hinimok ang gobyerno na magpatupad ng safety net program para sa mga Hanjin workers

Manila, Philippines – Nais ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na maglatag na ang gobyerno ng safety net program para maibsan ang epekto sa mga manggagawa sa pagsasara ng Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines.

Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, libu-libong manggagawa ang nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa pinansyal na kalagayan ng Hanjin company.

Maari aniyang mauwi sa isang pang ekonomiko at panseguridad na kalamidad ang sitwasyon kung hindi agad kikilos ang gobyerno.


Sa ilalim ng patakaran ng DOLE, sa pagsisimula ng negosyo, pinagsusumite ang mga malalaking kumpanya ng retrenchment plan para sa kanilang mga empleyado.

Gayunman, ayon sa TUCP sa kaso ng Hanjin, hindi malinaw kung may ganitong contingency measure.

Nauna nang nagharap ng voluntary rehabilitation ang Hanjin dahil umano sa lumalaki na nitong obligasyong pinansyal sa mga bangko.

Facebook Comments