Manila, Philippines – Kinumpirma ni Joint Task Force Basilan Col. Juvymax Uy na nailigtas na nila ang kapitan ng tugboat na si Aurelio Agac-ac na dinukot ng mga armadong kalalakihan nitong nakalipas na March 23 sa Sibago Island, Basilan.
Ayon kay Col. Uy, pasado alas singko kanina nang mailigtas ng tropa ng Joint Task Force Basilan sa tulong ng lokal na mga opisyal ng Basilan ang biktima.
Nakita aniya si Agac-ac sa Barangay Basakan Mohammad Ajul, ang lugar na kaharap lamang aniya ng Sibaho Island kung saan dinukot ang mga biktima.
Sa ngayon aniya, ibinabyahe patungong Western Mindanao Command sa Zamboanga City si Agac-ac para isailalim sa medical exam and debriefing.
Sinabi ni Col. Uy na nagpapatuloy naman daw ang kanilang operasyon ngayon para ma-rescue pa ang kasama ni Agac-ac na si Laurencio Tiro.
Sa ngayon hindi pa makumpirma ni Col. Uy kung mga mga miyembro ng Abu Sayyaf Group ang dumukot sa dalawa lalo’t may presensya aniya ng lawless elements at Tausug sa Barangay Basakan Muhammad Ajhul, Basilan.
Matatandaang pasado alas 12 ng hating gabi noong March 23 habang sakay ng tugboat ang dalawa nang harangin ng mga armadong kalalakihan at sapilitang tinangay.