Cauayan City, Isabela- Balik-operasyon na ang Tuguegarao City Airport makaraang maibaba ang quarantine status ng lungsod sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Base sa inilabas na Executive order no.22 na may lagda ni City Mayor Jefferson Soriano, papayagan na ang domestic flights subalit nakapaloob pa rin ang ilang panuntunan sa balik-operasyon nito.
Sa General Flight Protocol na inilabas, hindi papayagang bumaba sa eroplano ang lahat ng crew members kapag nakalapag ang eroplano sa Paliparan.
Para naman sa mga bababang pasahero, kinakailangang dumiretso sa inilatag na processing area para sa verification at documentation purposes, agad rin na ididiretso ang mga pasahero ng eroplano sa isang hotel na inilaang quarantine facility ng lungsod.
Bukod dito, hindi naman isasailalim ang mga edad 70 pataas, 18-anyos pababa at mga pregnant at lacting women sa 14-day Mandatory Quarantine sa inilaang isolation ng LGU kundi mananatili ang mga ito sa strict home quarantine kasabay ng mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng barangay.
Gayunman, isasailalim naman sa strict home quarantine ang mga Returning Overseas Filipinos kaakibat ng paglalagay ng non-removal wrist band at indelible ink sa kanilang hintuturong kamay.
Paalala ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga posibleng lalabag sa ipinapatupad na Minimum Health Standards.