Cauayan City, Isabela- Kabilang na rin sa pinakabagong ‘Smarter City’ ang lungsod ng Santiago at Tuguegarao matapos isama sa listahan ng Department of Science and Technology Region 2 (DOST2).
Sa virtual launching ng Exploring New Growth through Engagement of Smart Solutions (ENGINE) ng DOST Region 2, tumanggap ang dalawang lungsod ng tig-isang milyong piso para sa kanilang smarter projects.
Ang Cagayan Valley Smarter City Belt ay proyekto ng DOST para sa pagpapaunlad sa mga lungsod at bayan sa bansa kung saan ilan sa mga sakop nito ay ang pagpapalakas sa larangan ng agrikultura, edukasyon, kalusugan, kalikasan, hanapbuhay, transportasyon, komunikasyon, kalakal, pamamahala sa pamahalaan at iba pang sektor na salik sa pag-unlad sa komunidad.
Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, magiging modelo nila ang lungsod ng Cauayan at gagawin nila sa kanilang lungsod ang mga praktikal at subok na smarter projects ng lungsod at ipinagpapasalamat naman nito ang oportunidad na ibinigay ng DOST sa kanila.
Samantala, hinihintay na lamang ng DOST ang resolution ng legislative council ng Santiago city para maipasakamay na sa kanila ang isang milyong piso.
Nangako naman si Santiago City Mayor Joseph Tan na hindi masasayang ang oportunidad na ibinigay sa kanilang lungsod kasabay ng pangakong tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng smarter projects sa kanilang lungsod.
Pinuri naman ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña ang dalawang bagong Smarter Cities ng rehiyon.
Nanguna sa virtual launching ng ENGINE project si DOST Regional Director Engr. Sancho Mabborang.
Matatandaan na ang Cauayan City ang kauna-unahang smarter city sa rehiyon at sa buong Northern Luzon matapos ganap itong ideklara noong Marso 25, 2015.