Cauayan City, Isabela- Muling isasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Tuguegarao City simula bukas, Pebrero 11.
Ito ang kinumpirma ni City Mayor Jefferson Soriano sa isinagawang Press Briefing ngayong araw.
Ayon kay Mayor Soriano, matapos ang ginawang masusing pag-aaral ng LGU at City Inter-Agency Task Force ay napagpasyahan na maaari ng bumalik sa MGCQ status ang lungsod.
Kaugnay nito, hihilingin ni Soriano sa konseho ang pagbalangkas at pag-apruba sa ilalabas na Executive Order para matiyak na susunod pa rin ang mamamayan ng lungsod gayundin ang mga taong magmumula sa labas ng siyudad.
Dagdag pa ni Soriano, mananatili pa rin ang pagpapatupad sa paggamit ng COVID Shield Control Pass upang maging limitado ang paglabas ng publiko sa kani-kanilang mga tahanan.
Samantala, ininspeksyon ni Soriano ang Cold Chain Vaccine Storage na gagamitin para sa inaasahang pagdating ng bakuna kontra COVID-19 na matatagpuan sa loob ng City Health Office.
Hinimok naman ng alkalde ang publiko na sundin ang ipinapatupad na minimun health standard para maiwasan ang hawaan sa COVID-19.