Timbog ang isang tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng ₱37,400 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Pantal, Dagupan City.
Isinagawa ang operasyon noong gabi ng Marso 11 sa pangunguna ng City Police Drug Enforcement Unit, katuwang ang City Intelligence Unit at Police Station 1 ng Dagupan City Police Office.
Naaresto sa operasyon ang isang lalaki na residente ng Barangay Lasip Grande na kilala umano bilang lokal na tulak ng droga.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 5.5 gramo.
Narekober din ang isang piraso ng aluminum foil at ang ginamit na marked at boodle money sa transaksyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










