Tulong na naihatid sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses, umabot na sa P125.7 million

Nakapagbigay na ang pamahalaan ng nasa ₱125.7 million na halaga ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Ulysses mula sa walong rehiyon sa Luzon.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, ang bulto ng tulong o nasa ₱78 million ay nagmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nasa ₱44.2 million na halaga ng tulong ay ipinamahagi sa mga Local Government Units (LGUs), ₱2.8 million ay mula sa private partners at ₱730,000 ay sa Non-Government Organization (NGOs).


Ipinaabot ang relief assistance sa mga nasalanta sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region.

Sa ngayon, aabot na sa 932,467 families o 3,830,602 individuals na apektado ng Bagyong Ulysses sa 6,321 barangays.

Nananatili sa 73 ang patay habang 68 ang sugatan, habang 19 ang nawawala.

Aabot na sa 8.7 billion pesos ang pinsala sa imprastraktura at P4.2 billion sa agrikultura.

Facebook Comments