nMarawi City, Philippines – Pinasalamatan ng Palasyo ng Malacañang ang tulong na ibinigay ng Australian Government sa Armed forces of the Philippines sa paglaban sa terorismo sa bansa particular ang laban ng gobyerno sa Marawi City.
Nagpadala kasi ng dalawang AP3-C Orion Aircraft ang Australia na gagamitin sa surveillance sa galaw ng mga kalaban sa lugar.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, noon pa man ay binigyang diin na ng pamahalaan na bukas ang gobyerno sa anumang tulong mula sa ibang bansa para labanan ang terorismo hindi lang sa bansa kundi sa buong rehiyon.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang ugnayan ng puwersa ng Pilipinas at Australia kaugnay sa surveillance na ginagawa ng Australia sa Marawi City.
Kaugnay niyan ay sinabi din naman ni Abella na naging matagumpay ang trilateral meeting ng military at intelligence officials ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia para sa paglaban sa terorsimo sa rehiyon.
Nagkasundo aniya ang tatlong bansa sa pagbuo ng mga ipatutupad na sitratehiya o mga pamamaraan para mapigilan ang paglaganap ng terorismo sa South East Asia.