Tulong sa mga coffee farmers sa Batangas, ipinanawagan ng isang mambabatas

Ipinanawagan ni AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin sa Kamara ang pagapruba sa Coffee Industry Development Act kasunod na rin ng ginawang pinsala ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal sa mga coffee farmers.

Ayon kay Garin, ang pinsalang iniwan ng Taal sa mga coffee farmers ay naglagay sa kanila sa alanganing sitwasyon dahil ngayong buwan pa naman inaasahan ang pagusbong ng pamumulaklak at bunga ng mga tanim na kape sa Batangas.

Tinatayang aabot sa 5,000 metric tons o P1.2 Billion coffee products ang nawala sa pinsala ng volcanic eruption.


Dahil dito, nababahala si Garin sa pagbaba ng coffee production na makakaapekto sa mga magsasaka na sa kape lamang din umaasa ng kanilang kabuhayan.

Umapela si Garin na ipasa na ng Kongreso ang House Bill 3598 kung saan bibigyan ng technical assistance ang planting system at rehabilitation ng coffee farms para sa epektibong production systems.

Hiniling din ng kongresista ang pagkakaroon ng germplasm collection at gene bank ng mga binhi ng kape para matiyak na mape-preserve ito sakaling magkaroon ulit ng natural calamities.

Facebook Comments