Cauayan City, Isabela-Nanindigan pa rin si Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino na hindi natatapos ang kanilang hakbang para sa mas lalo pang pag-angat ng kanilang bayan matapos ibasura ng Provincial Board ang kanilang planong pag-utang ng P763 milyon na ilalaan umano sa ilang proyekto.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Meneses, kanyang binigyang diin na hindi lang iikot sa proyektong pang-imprastraktura ang halaga ng uutangin kundi ang paglalaan sa mas maraming trabaho, investment at mga oportunidad para sa lahat ng Nagtipuneros.
Ayon pa sa alkalde, naipasa ang ordinansa ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na pumasok sa isang kasunduan para sa pag-arangka ng Nagtipunan. Giit ni Meneses, may kapasidad na mangutang ang LGU ng gaanong kalaking halaga ng pera base umano sa ginawang ebalwasyon ng Bureau of Local Government Finance (BLGF). Samantala, tahasan nitong sinabi na hindi babaguhin ang pangalan ng sikat na pasyalan sa ‘Nieveland’ mula sa orihinal nitong pangalan na Landingan View Point.
Hindi umano magpapaapekto ang opisyal sa mga umano’y kontra sa pag-angat ng Nagtipunan at kanya pa ring ipagpapatuloy ang naumpisahan upang higit pang makilala sa larangan ng turismo ang bayan.
Una nang ibinasura ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang ginawang ordinansa na nagbibigay kapangyarihan sa punong bayan na pumasok sa isang kasunduan sa Land Bank of Philippines (LBP) upang makahiram ng mahigit 700 milyong piso para gamitin sa pagpapaunlad ng bayan dahil sa umano’y kaduda-dudang mga proyekto na kung saan gagamitin ang perang hihiramin ng nasabing bayan na mariing tinutulan ng mga opisyal ng Nagtipunan at nanindigang sumunod sila sa mga alituntunin na isinasaad ng batas.
Ayon pa sa punong bayan mistulang nabahiran na ng personal na interes at pamumulitika ang nasabing hakbang kaya’t itoy tinututulan ng kanyang mga kritiko at kapwa opisyal ng lalawigan.
Dagdag pa nito na hindi siya matitinag sa mga kritiko nito bagkus ito’y mas lalong magpapalakas sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang hangarin na paunlarin ang bayan at kabuhayan ng kanyang mga kababayan.