Manila, Philippines – Tuloy pa rin ang preliminary examination sa mga kaso ng extrajudicial killings sa war on drugs kahit binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging signatory ng Pilipinas sa Rome Statute. Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ito ang malinaw na nakasaad sa article 127 ng Rome Statute kung saan signatory ang Pilipinas simula pa noong 1998 kung saan hindi makakapigil sa ICC na ituloy ang imbestigasyon. Sa pagkakaalam din ni Senate President Koko Pimentel, maaring ipagpatuloy ng ICC ang aksyon sa reklamo laban kay Pangulong Duterte. Pero diin ni Pimentel, wala itong patutunguhan dahil hindi naman natin susundin sakaling ipag-utos ng ICC na ipaaresto ang ating Pangulo. Samantala, inihayag naman ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano na ang desisyon ng Pangulo sa pagkalas sa Rome Statute ay hindi nangangahulugan na ayaw niyang maging responsable sa usapin ng human rights violation. Una nang nanawagan ang ilang mambabatas sa Pangulong Duterte na irekonsidera ang pagkalas sa Rome Statute dahil posibleng magbigay ito ng maling mensahe sa ICC kaugnay sa lagay ng politika sa Pilipinas.
TULOY ANG REKLAMO | Pangulong Duterte, hindi pa rin lusot sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute
Facebook Comments