Tuluyang pagbabawal sa paputok, pinag-iisipan na ni Pangulong Duterte

Pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang ipagbawal sa bansa ang firecrackers at pyrotechnics lalo na ngayong Christmas at New Year’s eve.

Sa kanyang ‘Talk to the Nation’ Address, maaari niyang ipatupad ang total banning sa Disyembre ng susunod na taon.

Aniya, maaari niyang gawin ito para na rin sa kalusugan at kaligtasan ng publiko habang ipinagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon.


Inihalimbawa ng Pangulo ang Davao City kung saan bawal na sa lungsod ang paputok mula pa noong 2001.

Bukod dito, nagbabala rin si Pangulong Duterte sa mga iresponsableng nagpapaputok ng kanilang baril tuwing pasko at bagong taon.

Panawagan niya sa mga pulis, sundalo at sa mga sibilyan na may baril, lisensyado man o wala na huwag gamitin ang baril bilang pampaingay.

Titiyakin ng Pangulo na pahihirapan niya ang sinumang mahuhuling nagsasagawa ng indiscriminate firing.

Iginiit niya na ilang buhay na ang nawala dahil sa tama ng ligaw na bala.

Nanindigan ang Pangulo na maaari silang kasuhan ng homicide o murder kapag napatunayang nagkasala sa krimen.

Facebook Comments