Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Election Officer ng COMELEC Cauayan, bago pa man dumating ang huling araw ng schedule ng filing ng SOCE ay nakapag submit na ng kanilang report sa mga gastos sa pangangampanya ng mga kandidato sa pagka-Mayor; Vice Mayor at pagka-konsehal maliban lamang sa isang babae na tumakbong Councilor na hindi pinalad sa eleksyon. Wala na umanong magagawa rito ang COMELEC Cauayan dahil bago pa man matapos ang filing ng SOCE ay nabigyan na ito ng form para makapag comply.
Maaari pa naman umano itong mag-submit subalit mayroon na siyang kakaharaping multa dipende pa kung ilang beses din itong nahuli sa pagpa-file sa mga nakaraang eleksyon. Hindi na nabanggit ni Atty. Cortez ang dahilan kung bakit hindi pa nakakapag file ang kanyang tinutukoy dahil hindi naman aniya nagkulang ang COMELEC sa pagbibigay ng paalala sa obligasyon ng mga kandidato pagkatapos ng May 9, 2022 elections.
Nakapagsumite na rin ni Atty Cortez sa Provincial Office ng SOCE ng mga kandidatong nakapag comply at rereviewhin naman ito ng Central Office kung gumastos ang mga ito ng tama o sobra sa pinapayagang halaga ng kailangang gastusin sa kampanya.
Pero, base naman sa mga nakita ni Atty. Cortez sa mga SOCE ng mga winning candidates at ng mga hindi nanalo, wala naman aniya itong nakita na sumobra sa allowable expenses o di kaya’y lumabag sa pagsusumite ng SOCE.