Municipal Councilor sa Nueva Vizcaya, Patay matapos Mahulog sa Tulay ang kanyang Minamanehong SUV

150
Cauayan City, Isabela- Nasawi ang isang konsehal ng bayan matapos mahulog ang kanyang minamanehong SUV sa tulay kaninang madaling araw, June 10, 2022 sa Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kinilala ang biktima na si Engr. Alfredo “Samo” Tucpi II, 49-anyos, miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) at residente ng Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay nang aksidenteng mahulog ang kanyang minamanehong Toyota Fortuner bearing (UNQ 901) sa isang tulay sa bahagi ng Barangay Bua dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Ayon sa report, bumaligtad pa ang sasakyan sa pagkakahulog sa tulay dahilan para pasukin ng tubig ang loob ng SUV.

Agad namang rumesponde ang rescue team at isinugod ito sa pagamutan ngunit idineklara itong dead on arrival.

Si Tucpi ay muling nahalal sa ikatlong termino katatapos lamang na May 9, 2022 national at local elections.

Facebook Comments