Turismo sa Nueva Vizcaya, Inaasahang Lalakas sa Katatapos na Fam Tour ng DOT-2

Cauayan City, Isabela- Inaasahan ng Department of Tourism (DOT), Region 2 na mas lalong lalakas ang turismo sa Nueva Vizcaya matapos maisagawa ang apat na araw na Tourism Circuit at Familiarization Tour sa Lalawigan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Romeo Caranguian, Senior Tourism Operations Officer ng DOT Region 2, ang isinagawang Familiarization Tour na may slogan na “Feel the Vibe Vizcaya” ay dinaluhan ng mga kawani mula sa iba’t-ibang provincial tourism office sa rehiyon kasama ang ilang lokal na media na layong matulungan ang turismo ng Nueva Vizcaya ngayong panahon ng pandemya.

Ito ay bahagi na rin sa programa ng DOT para sa muling pagbangon ng sector ng turismo sa bansa at paghahanda sa gagawing validation ng Central Office sa Nueva Vizcaya.


Ayon kay Caranguian, bago ang araw ng Fam Tour, dumaan muna sa maraming paghahanda ang DOT-2 kung saan tiniyak na plantsado at nakahanda na para sa mga kalahok ang mga pupuntahang destinasyon sa nasabing probinsya.

Sa pamamagitan din aniya ng nasabing aktibidad, dito makikita ang kahandaan ng isang LGU para sa muli nitong pagbubukas sa industriya at magandang sinyales din para kay Caranguian ang pagkumpirma ng ilang LGUs na sila ay handa para sa muling pagbubukas ng turismo.

Naniniwala naman si Mr. Caranguian na sa pamamagitan ng mga naimbitahang kalahok sa Fam Tour ay malaki ang kanilang maitutulong para sa pagsulong ng turismo sa Nueva Vizcaya.

Kaugnay nito, magsasagawa rin ng validation ang mga kawani ng DOT-2 at Central Office sa iba pang tourist spots sa rehiyon upang tingnan kung handa na rin ang mga ito sa pagtanggap ng mga turista.

Ginagawa aniya ngayon ang lahat ng makakaya ng DOT-2 sa pangunguna ng kanilang Regional Director Fanibeth Domingo para sa muling pagbangon ng turismo sa rehiyon na hindi malalagay sa panganib ang kaligtasan at kalusugan ng mga turista.

Samantala, pinasalamatan naman ng Regional Director ang provincial Tourism Office at mga tumulong na stakeholders para maisakatuparan ang kauna-unahang Familiarization Tour sa lalawigan ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments