Manila, Philippines – Umalma ang ilang rice stakeholders sa hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing “unimpeded” o walang restriksiyon ang pag-aangkat ng bigas sa bansa dahil sa magiging epekto nito sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) President Rosendo So, na makasasama para sa mga magsasaka ang pag-angkat ng bigas.
Giit naman ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, nababahala sila sa pagpasok ng inangkat na bigas na maaari raw pumatay sa lokal na produksiyon.
Anya, hindi rin naman tiyak na mapabababa ng pag-angkat ng bigas mula sa labas ng bansa ang kasalukuyang presyo ng bigas sa merkado.
Dapat aniya na pagtuunan na lamang ng pansin ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na produksiyon ng bigas.
Una nang inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pumayag na ang Pangulo sa pag-alis sa mga restriksiyon ng pag-aangkat ng bigas sa bansa.
Ibig sabihin, kahit sino ay puwede nang mag-angkat ng bigas basta kailangan lang kumuha ng import permit at magbayad ng tamang buwis o taripa.