Manila, Philippines – Kinumpirma mismo ni Communications Secretary Martin Andanar na mismong si Executive Secretary Salvador Medialdea ay hindi pabor na gamitin si Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa information campaign para sa pederalismo.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay sinabi ni Consultative Committee Spokesman Conrado Ding Generoso na si Uson ang magsisilbing tagapagpakalat ng impormasyon patungkol sa pederalismo sa social media at ibaba ang issue na ito sa simpleng tao.
Ayon kay Andanar, nakausap niya si Executive Secretary Medialdea bago paman lumabas ang viral video ni Uson at sinabi aniya nito na hindi siya pabor na makasama si Uson sa information drive ng pamahalaan.
Paliwanag aniya ni Medialdea, isang seryosong usapin ang pederalismo at ito ay dapat ipaliwanag ng mga eksperto sa mamamayan.
Sinabi din naman ni Andanar na kinausap niya si Generoso at sinabi niya dito na mag disengage na kay Uson at huwag na itong isama sa information drive.
Paliwanag ni Andanar, hindi naman kasi talaga kasama si Uson sa mga unang napag-usapan sa information campaign para sa pederalismo.